Pananalanta ng Pasistang Estado

Magsasaka, sinalbeyds sa Bicol

PI EN
Resize text: A+ A- Reset

Isang magsasaka ang walang awang sinalbeyds ng militar sa Bicol. Samantala, nilooban ang upisina ng progresibong partido ng kababaihan. Sa Southern Mindanao, dalawang maslider ang sinampahan ng gawa-gawang kaso.

Hunyo 17. Sinalbeyds ng mga tropa ng 8th Scout Ranger Company si Cezar Habla, 47 anyos, isang magsasakang residente ng Barangay Palale, Bulan, Sorsogon.

Bandang alas-5:30 ng umaga nang magkalabanan ang militar at isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan na pansamantala noong nakahimpil mga 200 metro mula sa koprahan ng pamilyang Habla at mga 300 metro mula sa kanilang bahay. Nasa koprahan nila noon ang mag-asawang Cezar at Doris Habla.

Matapos ang 15-minutong putukan ay dali-daling umuwi sa bahay si Habla, kasama ang kanyang bunsong anak na si Jovan, 10 anyos, upang tiyaking ligtas ang iba pa nilang mag-anak. Pinagbabaril ng mga sundalo si Habla habang naglalakad pauwi.

Batay mismo sa salaysay ng kanyang asawa na nakasaksi sa krimen, lahat sa likuran ni Cezar ang mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Matinding takot ang dinaranas ngayon ng kanilang anak na saksi rin sa brutal na pagkamatay ng ama.

Buong-yabang na inianunsyo ni Lt. Teody Toribio, hepe ng 31st IB, sa isang lokal na istasyon ng radyo na myembro umano ng BHB si Habla at nagtagumpay daw ang kanilang strike operation. Dagdag kasinungalingan pang sinabi ni Toribio na buong ingat daw nilang tiniyak na tumatalima sa batas ng digma ang kanilang strike operation sa Barangay Palale.

Hunyo 13. Nilooban ang upisina ng Gabriela Women’s Party (GWP) sa Tandang Sora, Quezon City at tinangay ang dalawang desktop computer, mga monitor at isang laptop computer. Madaling araw nangyari ang panloloob at tulog lahat ng in-house staff ng GWP noon. Naniniwala ang GWP na hindi ordinaryong pagnanakaw ang pakay ng mga salarin dahil hindi ginalaw ang iba pang may mahalagang mga bagay tulad ng TV, DVD player, photocopying machine, mga printer at iba pa.

Katatapos lamang ng pulong ng GWP National Women’s Council at ang 5th National Convention, kaya nilalaman ng mga ninakaw na kompyuter ang mga konsolidadong ulat ng mga regional chapter ng partido, mga plano para sa darating na eleksyon at mga pangalan ng mga lider at myembro nito.

Abril 22. Sinampahan ng gawa-gawang kasong pagnanakaw ang dalawang lider-magsasaka sa Southern Mindanao Region (SMR). Sina Armando Diones, taga-Banay-banay, Davao Oriental at ikalawang tagapangulo ng Katawhan sa Davao Oriental, at si Lito Lao, tagapangulo ng Alyansa sa mga Mag-uuma sa San Isidro ay napilitang lumisan sa kanilang mga tahanan at nagtatago ngayon dahil sa mga mandamyento de arestong ibinaba ng korte laban sa kanila.

Si Diones ay tinanggalan ng karapatan bilang kasamá noong Disyembre 2010 nang mamatay ang orihinal na panginoong maylupa at pinalayas ng bagong asendero na si Vivien Jubac. Giniba ang kanyang bahay, at hindi rin siya binayaran ng P887,000 bilang bahagi niya sa pagsasaka ng 10 ektaryang niyugan mula noong 2003.

Kahit siya ang pinagkakautangan, si Diones ang kinasuhan ng qualified theft dahil nanguha umano siya ng mahigit P30,000 halagang niyog sa lupa ng pamilyang Jubac. Di pa nagkasya rito, ang mga Jubac ang umani sa mais at palay na pinagpagurang itanim nina Diones at kanyang pamilya. Tinulungan pa ang mga Jubac ng mga sundalo mula sa 28th IB para hakutin ang umabot sa 40 sako ng bigas na naani.

Bukod sa mga kapamilya ni Diones, isinama sa kaso si Lao dahil sa pagtulong niya kay Diones sa mga dati pang kasong isinampa ng mga Jubac na ibinasura ng korte.